AlaminNatin.com

Pagpapahayag ng Damdamin sa Mga Relasyon ng mga Tinedyer

Mon Sep 02 2019 - admin

Mga Relasyon ng mga Tinedyer

Sa panahon ng gitna hanggang sa huling yugto ng pagbibinata/pagdadalaga, maraming kabataan ang nag-iisip, nag-uusap, at nagpapantasya tungkol sa pagkakaroon ng romantikong relasyon. Itinuturing ng maraming mga tinedyer ang romantikong relasyon bilang sentro ng kanilang buhay panlipunan. Ang paraan ng paghawak nila ng romantikong relasyon sa panahong ito ay maaaring makaapekto sa kanilang pag-uugali sa hinaharap na mga romantikong relasyon kapag sila ay nasa karampatang gulang na.

Ang mga romantikong relasyon ng mga tinedyer ay madalas na hindi mga seryoso (itinuturing na "puppy love") at karaniwang panandalian lang. Sa madalas na pagkakataon, hindi inaasahang hahantong ang teenage relationship sa pag- aasawa. Ganunpaman, may mahalagang papel ito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga nagbibinata/nagdadalaga at may kapansin-pansin na implikasyon ito sa kanilang kalusugang pangkaisipan, patuloy na pag-unlad, at mga hinaharap na romantikong relasyon.

Ang romantikong relasyon sa pagitan ng dalawang tinedyer ay maaaring magsimula sa pagkaakit sa isa’t isa, nadedebelop sa pagmamahal, at kung pahihintulutan ng mga sirkumstansiya, ay maaari rin namang mauwi sa pangangakong gugugulin ang buhay kasama ang isa’t isa.

Ano ang romantikong relasyon sa buhay ng mga tinedyer? Ito ay bahagi ng kanilang pag-unlad, isang karaniwang isyu para sa kanila, isang pokus ng kanilang pag-aalala at pag-iisip. Ito ay kadalasang sanhi rin ng kanilang mga matinding positibo at negatibong emosyon tulad ng kaligayahan, kalungkutan, galit, at paninibugho. Napakahalaga, kung gayon, na pag-aralan ang mga epekto ng mga relasyon ito sa buhay ng mga nagbibinata/nagdadalaga.

Mga Katanggap-tanggap at Di Katanggap-tanggap na Pagpapahayag ng Pagkagusto/Pagmamahal

Hindi dapat ipagkamali na lahat ng pagpapahayag ng nararamdaman ay tama at katanggap-tanggap. May mga limitasyon na dapat tandaan at mga salik na dapat isa-alang-alang. Ito ay mahalagang pag-aralan lalo na nga’t ang mga tinedyer ay karaniwang mapusok, lalo na ang mga baguhan sa relasyon. Tila gusto nilang gugulin ang halos bawat minuto kapiling ang taong gusto o minamahal.

Ang kultura, relihiyon, moralidad, batas, at patakaran ng institusyong kinabibilangan ang ilan sa dapat isaa-alang alang sa pagpapahayag ng damdamin. Kahit na ang mga ekspresyon ng atraksyon ay maaaring iba-iba depende sa dako, may mga ekspresyon na karaniwang katanggap-tanggap at mayroon namang karaniwang hindi katanggap-tanggap.

Kabilang sa karaniwang katanggap-tanggap na ekspresyon ang pagtingin o pagsulyap sa bawat isa, pagngingitian, pagbibigay ng mga regalo, berbal na komunikasyon sa angkop na pagkakataon (gaya mg pagsasabi ng “Mahal kita” o “Na-miss kita”), pag-uusap sa telepono o pakikipagkuwentuhan, pagsusulatan (love letter), palitan ng pribadong mensahe o chat, pagpapakita ng atraksyon o damdamin sa social media. Ang lahat ng ito ay dapat gawin sa angkop na pagkakataon at may mga limitasyon.

May mga pagpapahayag ng apeksiyon na katanggap-tanggap subalit hindi sa lahat ng lugar. Kabilang dito ang paghahawak-kamay, paglalakad ng magkadikit ang braso, halik sa mga pisngi o 'beso-beso' sa ilang okasyon, at pagdi-date o paglabas (karaniwang may mga tsaperon). Sa panahon ng kabataan, mahalaga na ang mga ito ay ipinagpapaalam sa magulang at isinasangguni sa mga otoridad gaya ng mga guro.

Kabilang naman sa hindi katanggap-tanggap na pagpapahayag ng damdamin ang gawaing para lamang sa mag-asawa (pre-marital sex), mga aktibidad na may anyo ng kalaswaan, flirting, caressing, stroking, kissing, cuddling, back rubbing, at massaging. Anomang labag sa etika, batas, pananampalataya, at kultura ay itinuturing na hindi katanggap-tanggap. (© by Marissa G. Eugenio/AlaminNatin.com)

BILIN SA ESTUDYANTE:

a. Sa comment section sa ibaba, isulat kung sang-ayon ka o hindi sa mga binanggit na hindi katanggap-tanggap na pagpapahayag ng pagkagusto o pagmamahal.

b. Ishare ang webpage na ito sa iyong Social Media accounts (Facebook, Twitter, Instagram, etc.) gamit ang hashtag na: #PDA #PuppyLove.

c. Mag-imbita ng tatlong kapwa kabataan (mula sa ibang paaralan) na magko-comment ng pagsang-ayon o pagkontra sa iyong komento.

d. I-print ang inyong naka-post na usapan. Ipasa sa iyong guro.