AlaminNatin.com

Ang Gulong ng Emosyon: Teorya ni Robert Plutchik

Wed Jun 26 2019 - admin

Pansariling Kaunlaran

Kasanayang Pampagkatuto 8.1

Natatalakay ang pag-unawa sa iba’t ibang uri ng emosyon na maaaring makatulong sa pagpapamalas ng mga nararamdaman.

Ang Gulong ng Emosyon ni Robert Plutchik

Nilikha naman ng sikolohistang si Robert Plutchik ang tinatawag na gulong ng emosyon na makakatulong sa atin upang mas maunawaan ang iba't ibang aspeto ng emosyon. Ipinapakita rin ng gulong ng emosyon ni Plutchik ang pagkakaiba-iba ng mga emosyon.

Ipinaliliwanag sa Gulong ng Emosyon ni Plutchik ang (a) intensidad ng mga emosyon (intensity of emotions) at (b) mga uri ng emosyon (types of emotion):

Ang intensity of emotions ay tumutugma sa antas kung paanong ang emosyon ay nakakaapekto sa pag-uugali ng isang tao. Ang tindi ng emosyon ay nag-iiba mula sa napaka-banayad hanggang sa napakatindi.

Itinuturo ng gulong ng emosyon na may mga pangunahing bipolar na mga emosyon: (a) kagalakan laban sa kalungkutan; (b) galit laban sa takot; (c) tiwala laban sa pagkadisgusto; at (d) pagkasorpresa laban sa pag-asa. Ang mga pares ng salita tulad ng takot-sindak, lungkot-pighati, at galit-poot ay nagmumungkahi ng mga pagkakaiba sa kasidhian o intensity. Tulad ng mga kulay sa spectrum, ang mga pangunahing damdamin ay maaaring ipahayag sa iba't ibang intensidad at maaaring makihalo sa isa't isa upang makagawa ng iba't ibang mga emosyon.

Ukol naman sa ma uri ng emosyon, mayroon lamang walong pangunahing emosyon batay na rin sa gulong ng emosyon: (a) kagalakan, (b) kalungkutan, (c) takot, (d) galit, (e) pag-asa, (f) pagkabigla (o pagkasorpresa), (g) pagkadisgusto, at (h) pagtitiwala. Ayon kay Plutchik, ang bawat emosyon ay may kaukulang kasalungat. Narito ang mga panunahing emosyon at ang kanilang mga katapat:

KAGALAKAN: KALUNGKUTAN

TAKOT: GALIT

PAG-ASA: PAGKABIGLA

DISGUSTO: TIWALA

Mahirap bigyan ng isang malinaw at tiyak na kahulugan ang bawat uri ng damdamin. Mahirap din na magbigay ng malinaw na pagkakaiba sa dalawang uri ng emosyon. Ganunpaman, narito ang masasabi natin sa mga pangunahing uri ng emosyon:

Ang (1) kagalakan o joy ay tumutukoy sa pakiramdam ng pagiging masaya. Ito ay singkahulugan ng kasiyahan, kaluguran, at kaligayahan. Ang matinding mga anyo ay lubos na kaligayahan (ecstacy), elasyon (elation), at sobrang katuwaaan (euphoria).

Ang (2) kalungkutan o sadness naman ay ang pakiramdam ng pagiging malungkot, madilim (gloomy), o nalulumbay. Ang mga kasingkahulugan nito ay pighati, kalungkutan, pangungulila, at pamamanglaw.

Ang (3) takot (fear) ay ang pakiramdam ng pagkatakot, pagkabahala, o pagkabalisa. Ang mga kaugnay na salita ay sindak, pagkabagabag, gulat, at kilabot (matinding takot).

Ang (4) galit (anger) ay ang pakiramdam ng pagiging galit na galit (mad), pagkairita o pagkayamot. Ang isang mas matinding bersyon ay poot (rage) o matinding galit (fury).

Ang (5) pag-asa (anticipation) ay binubuo ng pagmimithi sa isang bagay na mabuti o positibo, na pinaniniwalaan ng isang tao na mangyayari. Ang kaugnay na salita ay ekspektasyon.

Ang (6) pagkabigla (surprise) ay ating nadarama kapag ang isang bagay na hindi natin inaasahan ay nangyayari. Maaari rin itong mangahulugan ng shock, amazement, at disbelief.

Ang (7) disgusto (disgust) ay pangkaraniwang nadarama kapag may mali, liko, o marumi. Ang mga kasingkahulugan nito ay pagkainis, pag-ayaw, pagkayamot, at rebolsiyon. Poot at pagkamuhi naman ang mas matitinding anyo nito.

Ang (8) tiwala (trust) ay isang positibong damdamin na nangangahulugan din ng kompidensiya (confidence) at paniniwala. Ang pagtanggap ay isang mahinang anyo nito samantalang ang paghanga ay isang mas matinding uri nito.

Sa gulong ng damdamin, kapag mas matindi ang kulay, mas matindi ang emosyon. Ganyundin, ang mga emosyon na mas malapit sa kalagitnaan ay siyang mga mas matinding mga emosyon. Halimbawa, ang pagkapoot o rage ang pinakamatindi sa uri ng galit, samantalang ang pagkayamot (annoyance) ang pinakabanayad na anyo nito. Ang kasidhian ay nababawasan habang papalayo sa kalagitanaan.

Tulad ng iminungkahi din ng gulong ng emosyon ni Plutchik, ang mga iba’t ibang uri ng damdamin ng tao ay maaaring magkahalo at ito ay nagbubunga ng isa pang uri ng damdamin. Samakatuwid, ang ilang mga emosyon ay mahirap na tukuyin sapagkat sila ay wala sa payak na anyo kundi kumbinasyon ng dalawa o higit pang mga emosyon.

BILIN SA ESTUDYANTE:

  1. Sa comment section sa ibaba ng artikulo, (a) banggitin kung alin sa mga emosyon ang madalas mong maranasan at (b) ipaliwanag kung paano ito nakakatulong o nakakagambala sa iyong pansariling pag-unlad.

  2. Ishare ang webpage sa iyong Social media accounts (Facebook, Twitter, Instagram, etc.) gamit ang hashtag na: #EmotionalBaAko? #Project

  3. I-print ang iyong comment at post. Mas mabuti kung may mga comment mula sa ibang kabataan. Ipasa sa iyong guro.

  4. I-share ang webpage na ito sa iyong social media account (FB, IG, Twitter, etc) gamit ang #PerDev #EmoteKaNaman