PANSARILING KAUNLARAN
Kasanayang Pampagkatuto 7.2.
Natutukoy ang mga sariling kahinaan.
Ang mga sariling kahinaan
Sa konteksto ng araling ito, ang “sariling kahinaan,” lalo na ng mga kabataan, ay tumutukoy sa potensiyal na paglahok sa mga mapanganib na aktibidad at sa inklinasyon na magkaroon ng ilang mga mental na karamdaman gaya ng depresyon.
Nakapaloob sa pagbibinata/pagdadalaga ang mga pagbabagong sikolohikal at homornal sa katawan. Dagdag pa rito ang mga hindi pangkaraniwang hamon at nakababahalang ekspektasyon ng mga mga taong nakapaligid sa kanila.
Ilan ito sa mga dahilan kung bakit maraming mga nagbibinata/nagdadalaga ang madaling kapitan ng mga problema sa kalusugan ng isip. Salik din ang mga ito kung bakit maraming mga tinedyer ang madaling maimpluwensiyahang makilahok sa mga peligrosong gawain. Ang mga aktibidad na ito gaya ng pagdodroga, paninigarilyo, at pag-inom ng mga inuming nakalalasing ay maaari ring magpalitaw ng mga psychiatric disorders at iba pang karamdamang mental.
Mga Sakit sa Kalusugan ng Isip (Mental Health Disorders)
Mahalaga na ang mga tinedyer na gaya mo ay magkaroon ng kamalayan sa mga problema sa kalusugan ng isip na maaaring ninyong maranasan. Mahalaga rin na malaman mo ang ilang paraan upang maiwasan ang ilang mga sakit sa isip at mapanatili ang kalusugan ng isip at ang kagalingan.
Ang problema sa kalusugan ng isip o disorder ay maaaring makagambala sa normal na buhay ng mga tao—sa pag-aaral, paghahanapbuhay, at pakikitungo sa ibang mga tao. Kung maaga pa ay malalaman na na ang isang indibidwal ay dumaranas ng problema sa kalusugan ng isip, magagamot ito sa lalong madaling panahon at maiiwasan ang mga karagdagang komplikasyon.
Ang paglitaw ng mga sakit sa isip ay maaaring dahil sa mga sumusunod na salik: (a) biyolohikal na salik, tulad ng mga gene o kimika ng utak (brain chemistry); (b) mga karanasan sa buhay, tulad ng trauma o pang-aabuso; at (c) kasaysayan ng pamilya ukol sa mga problema sa kalusugan ng isip.
Sinasabi ng isang pag-aaral na isa sa limang nagbibinata/nagdadalaga ay may mga sintomas ng mga problema sa kalusugan ng isip (Knopf, 2008). Kasama sa mga karaniwang sakit sa isip sa panahon ng pagbibinata/pagdadalaga ang mga sumusunod:
1. Mga karamdaman sa pagkain (eating disorders)
Ang isang halimbawa ng disorder sa pagkain ay ang anorexia na tumutukoy sa mga pagbabago sa mga gawi sa pagkain na kinapapalooban ng kapansin-pansing pag-iwas sa pagkain. Ang isa pang eating disorder ay ang bulimia, isang sakit na may kinalaman sa sapilitang pagsusuka pagkatapos kumain.
Dahil sa ang mga kabataan ay karaniwang conscious sa kanilang hitsura at imahe, naobserbahan na marami sa kanila ang may eating disorder. Ang labis na pagiging sensitibo sa pigura ng katawan ng isang tao ay maaaring magresulta sa hindi tamang pagbaba ng timbang.
2. Mga pagkabalisa (anxiety disorders)
May mga mekanismo ang utak na nakalaan upang maprotektahan ang isang indibidwal mula sa pinsala. Subalit kapag nagkaroon ng abnormalidad sa mga ito, nagkakaroon ng problema sa kalusugan ng isip na tinatawag na anxiety disorders.
Ang mga halimbawa nito ay ang phobias, post-traumatic disorder (PTSD), panic disorder, at obsessive compulsive disorder (OCD). Ayon sa mga pag-aaral, tinatayang 10 porsiyento ng mga nagbibinata/nagdadalaga ay nagtataglay ng mga sakit sa pagkabalisa, at ang OCD ang pinakakaraniwan sa mga ito (Murphey, 2013).
3. Depresyon
Kabilang sa mga sintomas ng depresyon ang labis na pagkamasumpungin (excessive moodiness), pagtangis, pagbabago sa mga gawin o habit ukol sa pagkain at pagtulog, kawalan ng pag-asa, pakiramdam na siya’y kawalang kabuluhan, at pagnanais na saktan ang sarili. Ang mas malala, ang ibang nade-depress ay nagnanais magpatiwakal.
Ayon sa isang pag-aaral, ang depresyon ang pinaka-madalas na sakit na may kaugnayan sa mental na kalusugan sa mga kabataan (Knopf, 2008). Isa sa apat na estudyante sa mataas na paaralan ang sinasabing nagpapakita ng mga menor na sintomas ng depresyon (Murphey, 2013).
4. Developmental disorders
Kabilang sa developmental disorders ang autism, attention-deficit / hyperactivity disorder (ADHD), at learning disorder. Ang mga ito ay tumutukoy sa mga problema o karamdaman ukol sa pag-unlad ng utak o brain development.
5. Mga Karamdaman sa Pag-uugali
Kabilang sa tinatawag na behavioral disorder ang oppositional defiant disorder at conduct disorder. Ang mga ito ay tumutukoy sa mga depekto sa inaasahang pag-uugali ng mga indibidwal. Ito ay karaniwan sa mga nagbibinata/nagdadalaga na tila kunukwestiyon ang mga tuntunin sa mga institusyon kung kaya’t kinakikitaan ng hindi pagsunod.
6. Psychotic disorder
Ang mga sakit sa isip na nasa ganitong uri ay masasabing malubha. Ang schizophrenia at delusional disorder ay nasa ilalim ng kategoryang ito.A ng mga sakit sa isip na ito ay mga abnormalidad o interapsiyon ukol sa pag-iisip, pang-unawa, at pag-uugali.
BILIN SA ESTUDYANTE:
-
Sa comment section sa ibaba ng artikulo, (a) bumanggit ng isa sa mga suliraning pangkalusugang tinalakay sa artikulo at (b) ipaliwanag kung paano mo ito maiiwasan. Gumamit ng hashtag na: #KayaKoIto #HaharapinKo
-
Mag-imbita ng tatlong kaibigan o kamag-anak (mga may malasakit sa iyo) upang magsulat sa post mo ng mga payo kung paano maiiwasan ng mga kabataan ang tinalakay mong suliraning pangkalusugan. I-print ang inyong naka-post na sagutan at ipasa sa guro.
-
I-share ang webpage na ito sa iyong social media account (FB, IG, Twitter, etc) gamit ang #PerDev #KayaNatinTo