AlaminNatin.com

Ang Kaliwa at Kanang Bahagi ng Utak

Wed Jun 26 2019 - admin

Pansariling Kaunlaran

Kasanayang Pampagkatuto 6.1

Natatalakay na ang pag-unawa sa kaliwa at kanang bahagi ng utak ay nakatutulong sa pag-unlad ng pagkatuto

Ang cognitive development ay isang mahalagang aspeto ng personal na pag-unlad ng isang nagbibinata/nagdadalaga. Ang kamalayan sa mga teoryang may kaugnayan sa utak ay maaaring makatulong sa pagkamit ng buong potensyal para sa pagkatuto.

Ang isang mahalagang teorya ukol sa gampanin ng utak ng tao ay ang theory of ‘brain lateralization.’ Ito ay binuo ng mga Nobel-prize winners na sina Roger Sperry at Robert Ornstein. Ang teorya ay nagsasaad na ang kanan at kaliwang bawat bahagi ng utak ay may iba't ibang mga tiyak na tungkulin.

Bagaman ginagamit ng mga tao ang parehong bahagi, ang bawat indibidwal ay may isang nangingibabaw na panig na, ayon sa teorya, ay nagpapaliwanag sa pag-uugali, interes, personalidad, at paraan ng pag-iisip ng isang tao. Dahil dito, may tinatawag na ‘left-brained’ o ‘right-brained’ na mga indibidwal.

Ayon sa teorya, ang mga ‘left-brained’ na tao ay may ganitong katangian:

a. Sila ay sinasabing lohikal, organisado, at nakatuon sa detalye ng mga bagay o pangyayari.

b. Pinoproseso nila ang mga ideya sa masistemang pamamaraan kung kaya’t sinasabing mas kaunti ang kanilang nagiging pagkakamali.

c. Pabor sila sa mga mahigpit na iskedyul at mga deadline.

d. Mas natututo sila sa pamamagitan ng pandinig, at mas mahusay sila sa paggamit ng mga salita, sa halip na mga visual aid, sa pagtanda sa mga bagay.

Ganito naman ang sinasabing katangian ng mga **‘right-brained’**na tao:

a. Tinitingnan nila ang mga bagay sa kabuuan at matapos ay saka titingnan ang mga detalye nito.

b. Gumagamit sila ng intuwisyon, naniniwala sa mga imahinasyon at pantasya, mahilig makipagsapalaran, malikhain, at mahirap hulaan ang kanilang ugali o iniisip.

c. May posibilidad na sila ay maging disorganisado, hindi malinaw ang kanilang mga priyoridad, at kulang sa tamang pamamahala ng oras.

d. Sila ay mas emosyonal, madaling maimpluwensiyahan ang damdamin, at tila tinitingnan ang mga bagay at mga pangyayari sa gamit ang damdamin.

Ang teorya ng left at right brain lateralization ay nagbibigay ng pagkaunawa sa kung saang bahagi ng utak mahusay ang ang isang indibidwal at kung aling bahagi ang kaniyang dapat pang paghusayan o pagtuunan.

Ang pag-unawa sa mga kalakasan at kahinaan ng isang tao batay sa pangingibabaw ng bahagi ng utak ay maaaring humantong upang makabuo siya ng mga epektibong paraan upang lalong matuto at umunlad. Halimbawa, ang isang ‘right-brained’ na tao na may kahirapan sa pagsunod sa mga berbal na tagubilin sa klase ay makakagawa ng karagdagang pagsisikap sa pag-aaral. Maaari siyang mag-isip ng mga paraan tulad ng pagtatala ng mga lektura at tagubilin ng mga guro o gumawa ng mga visual reviewer.

Gayunpaman, ang klasipikasyong ‘left-brained’ at ‘right-brained’ ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto o maaaring makahadlang sa pagkatuto. Ang isang mag-aaral na nagtatak sa kanyang sarili bilang isang 'right-brained' ay maaaring hindi na mag-aral nang mabuti dahil pinasyahan na niyang siya ay mas may inklinasyon sa sining kaysa sa akademiko.

Sa madaling salita, ang teorya, kapag ginamit nang hindi wasto, ay maaaring humantong sa paglikha ng tao sa kaniyang sarili alinsunod sa kanyang paniniwala. Ang ganitong sitwasyon ay tinatawag na ‘self-fulfilling prophecy.’

Inirerekomenda ang paggamit ng “whole-brain thinking.” Ito ay kapaki-pakinabang dahil ito ay nagtataguyod ng paggamit ng dalawang bahagi ng utak bilang isang buo, hindi bilang hiwalay na mga entidad. Bagaman maaaring pinoproseso ang iba't ibang mga mental na gawain at proseso sa iba’t-ibang mga lokasyon sa utak, ang tinatawag na "whole brain thinking" ay maaaring ipagkasundo ang kaliwa (lohikal na bahagi) sa kanan (ang malikhaing bahagi) na pag-iisip ng utak upang magresulta sa mas mahusay na mga pag-andar ng utak at mga paggawa.

BILIN SA ESTUDYANTE:

  1. Sa comment section sa ibaba ng artikulo, banggitin kung aling bahagi ng utak ang dominante sa iyo at ipaliwanag kung bakit. Gumamit ng hashtag na: #DalawangBahagiNgUtak #MautakAko

  2. Mag-imbita ng tatlong kaibigan o kamag-anak (mga malapit sa iyo) upang magsulat sa post mo kung sang-ayon sila o hindi sa iyong naging pagtasa sa iyong sarili. I-print ang inyong naka-_post_na sagutan at ipasa sa guro.

  3. I-share ang webpage na ito sa iyong social media account (FB, IG, Twitter, etc) gamit ang #PerDev #MautakAko