AlaminNatin.com

Ang Mga Alalahanin o Stress at Mga Pinagmumulan Nito

Wed Jun 26 2019 - admin

Pansariling Kaunlaran Kasanayang Pampagkatuto 5.1.

Natatalakay na ang pag-unawa sa mga alalahanin at mga pinagmumulan nito sa panahon ng pagdadalaga/pagbibinata ay maaaring makatutulong na matukoy ang mga paraan upang matugunan ang mga ito para sa malusog na pamumuhay.

Ang Pag-Unawa sa Mga Alalahanin at Mga Pinagmumulan Nito

Hindi maiiwasan na sa gitna at huling yugto ng pagbibinata/pagdadalaga ay makakaranas ka ng mga pagbabago, hamon, at iba pang potensyal na nakakaistress. Marahil ay madalas mong naririnig ang mga kabataang gaya mo na nagsasabing sila ay nai-stress. Ngunit ano nga ba ang stress?

Bilang nagdadalaga/nagbibinata, ang pag-unawa mo sa mga alalahanin at mga pinagmumulan nito ay may malaking maitutulong upang matukoy mo ang mga paraan upang matugunan ang mga ito tungo sa malusog na pamumuhay. Gaya ng isang problema, ang isang stress ay hindi matutugunan nang tama kung hindi ito lubos na naiintindihan at kung walang sapat na kabatiran sa ugat o pinagmumulan nito. Upang makayanan mo ang iba't ibang mga stress na dulot ng pagiging adolescent, mahalagang malaman mo kung ano nga ba ang stress at ang mga pinanggagalingan nito.

Ang stress ay kabaligtaran ng mga bagay na nagpapalakas at nagpaparelaks sa tao. Sa gaya mong nagbibinata/nagdadalaga, ang stress ay maaaring resulta ng iyong tugon sa mga hamon, at reaksyon sa mga inaasahan, ng mga taong nakapaligid sa iyo. Sa usaping medikal, ito ay tumutukoy sa isang malawak na hanay ng malakas na panlabas na estimulo, physiological o sikolohikal man, na maaaring maging sanhi ng isang physiological na tugong tinatawag na “general adaptation syndrome."

Ang pagiging “stressed” ay normal lamang sa tao dahil ito ay bahagi at malaking bahagi ng ating buhay. Ang stress ay hindi nagtatangi—nakakaapekto ito sa mga tao anuman ang edad, lahi, at kalagayan. Depende sa pagtingin ng isang tao sa mga bagay, ang anumang bagay ay maaaring maging stress. Maaaring ito ay isang simpleng banta sa karangalan ng isang tao, pag-aalala kung pumasa o hindi sa isang pagsusulit, o isang sitwasyong nagbabanta sa buhay.

Dahil maaari silang maging kapaki-pakinabang o nakakapinsala, ang mga stress ay maaaring ikategorya bilang mabuti o masama. Ang mga mabubuting stress ay ang mga tumutulong upang maipalabas ang ating kagalingan at nagbubunsod sa ating gawing mabuti ang ating mga gawain.

Sa kabilang banda, ang mga masasamang stress ay ang mga humahadlang sa atin sa mahusay nating paggana. Kapag nagagapi ng isang partikular na stress (o grupo ng mga stresses) ang ating kakayang pamahalaan ito, ito ay itinuturing na masama. Ang mga masamang stress ay maaaring magresulta sa pagkabalisa, o sa isang kalagayan kung saan ang tao ay hindi na makatugon sa mga hamon sa buhay.

Kasanayang Pampagkatuto 5.2.

Natutukoy ang mga pinagmumulan ng mga alalahanin at nailalarawan ang mga epekto nito sa buhay ng tao

Ang mga pinagmumulan ng mga alalahanin

Ang kahirapan o pagkabigo sa pangangasiwa ng stress ay maaaring humantong sa mga problema sa kalusugan ng isip, tulad ng pagkabalisa at depresyon. Ang stress ay maaaring maging isang isyu sa kalusugan lalo na para sa mga nagbibinata/ nagdadalagang tulad mo na sumasailalim sa maraming pagbabago. Samakatuwid, napakahalaga na malaman mo ang iba't ibang mga stressors at ang ang mga pinagmumulan nila.

Ang mga sanhi ng stress ay tinatawag na “stressor.” May mga bagay, kaganapan, sitwasyon, o mga saloobin na maituturing na stressor o nagdudulot ng stress. Narito ang mga karaniwang stressor sa mga buhay ng nagbibinata/nagdadalaga:

Ang (1) presyur ng barkada o yaong natatangggap ng isang nagbibinata/nagdadalaga mula sa kanyang mga kaibigan o ibang mga tinedyer ay kabilang sa mga sosyal presyur. Maaari itong magsilbing stressor lalo na kung may nakapaloob na pananakot o panliligalig ng mga kapwa kabataan.

Sa ilang pagkakataon, kabilang dito ang presyur na manigarilyo, uminom ng alak o anomang nakalalasing, magdroga, lumiban sa mga klase upang maglakwatsa o maglaro ng computer games, o mapaloob sa mga sekswal na aktibidad. Dapat na magpakatalino ang isang kabataan na huwag magpadala sa ganitong presyur. Kung iyong nanaisin, maraming paraan upang makaiwas ka rito.

Ang (2) pamilya o tahanan ay maaari riong maging sanhi ng stress. Ang di pagkakaunawaan ng mga magulang, pag-aaway ng magkakapatid, at ang obligasyon na alagaan ang mga nakababatang kapatid ay nakapagdudulot din ng stress. Ang mga pagbabago sa sitwasyon ng pamilya, tulad ng diborsiyo o paghihiwalay ng mga magulang, ay karaniwang nagreresulta sa mga bagong kaayusan sa pamumuhay at iba pang mga nakakaistress na kondisyon. Ilang halimbawa nito ay ang kinakailangang pagsasaayos sa bagong tirahan at paaralan, pagkakaroon ng pinaghalo o blended na pamilya, kawalan ng privacy, atbp.

Bagamat ang mga isyu sa pamilya ay maaaring magdulot ng stress, ang isang matalinong kabataan ay hindi papayag na masira ang buhay dahil dito. Bagkus ay hamon ito upang lalo niyang pag-igihin ang kaniyang buhay upang hindi ito mangyari sa kaniyang pamilya sa hinaharap.

Mayroon ding tinatawag na (3) akademiko at ekstrakurikular na presyur sa paaralan. Ang pagnanais na pumasa sa mga asignatura ay may kaakibat na mga sakripisyo. Kabilang dito ang palagiang pagpasok sa mga klase, pagrerepaso, pagsasaliksik, paghabol sa mga deadlines, at pagsali sa mga ekstrakurikular na aktibidad na nakalilikha ng stress at presyur. Dagdag pa rito ang mga paghahanda para sa talakayan o recitation at mga pagsusulit, paglikha ng mga proyekto, at mga takdang-aralin. Gayunpaman, ang mga stress na ito ay karaniwang nakatutulong at kinakailangan.

Isa ring stressor ang (4) romantikong relasyon. Ang hindi pagkakaroon ng kasintahan at maging ang pagkakaroon nito ay parehong nagbubunga ng stress sa mga tinedyer. Ang mga taong walang boyfriend o girlfriend ay nakakaramdam ng tila kakulangan. Sa kabilang banda, ang mga nasa relasyon naman ay nakararanas ng mga tampuhan, hindi pagkakasundo, pagtatalo, “away-bati,” at iba pang mga komplikasyon na dulot ng relasyon.

Bagamat ang romantikong mga relasyon ay karaniwang sumisibol at namumulaklak sa panahon ng pagbibinata/ pagdadalaga, hindi ito ang marapat na gawing prayoridad sa yugtong ito. Ang magkasintahan ay dapat ding mag-ingat sa mga gawaing pagsisisihan sa bandang huli.

Ang ukol sa (5) hinaharap o kapalaran ay maaari ring ugat ng stress. Ang hindi pagkaalam sa kung ano talaga ang gusto sa hinaharap ay maaaring maka-stress sa kabataan. Mayroon namang iba na malinaw sa kanila kung ano ang gusto nila sa hinaharap gayunman ay nag-aalalang hindi nila ito makamit dahil sa limitasyon sa pinansiyal o kasanayan.

Lalo na ang mga nasa huling yugto na ng pagbibinata/pagdadalaga, hamon ito para pagbutihin ang pag-aaral. Gawing proyekto o prayoridad kung paano magkaroon ng magandang kapalaran.

Ang (6) pisikal na anyo o hitsura ay alalahanin din sa mga kabataan. Ang pagbibinata/pagdadalaga ay may kaakibat na ilang mga pagbabago sa mga pisikal na kaanyuan ng mga tinedyer. Ang kanilang taas, timbang, pigura ng katawan, mga problema sa balat, at mga tulad nito ay karaniwang mga 'isyu' para sa kanila. Ito ay dahil na rin sa pagnanais na magmukhang kaaya-aya sa paningin ng iba.

Sapagkat ang pisikal na hitsura ay nagiging sanhi ng stress sa mga nagbibinata/nagdadalaga, dapat na sila ay matuto ng ukol sa tamang personal hygiene. Dapat din na paunlarin ang tiwala, pagmamahal, at pagtanggap sa sarili.

Sa ilang pagkakataon, alalahanin din ang dulot ng (7) pagkawala ng mahal sa buhay.

Nagbubunga ng stress ang pagpanaw o pagkawala ng miyembro ng pamilya, kamag-anak, kaibigan, o maging alagang hayop. Nagsisilbi ring stressor ang pakikipaghiwalay sa kasintahan o pagtatapos ng isang pagkakaibigan.

Maging ang pagkawalay sa isang minamahal na gawain o libangan (hal. pagkahiwalay sa baskeball team) ay nagbubunga rin ng pakiramdam ng kawalan kung kaya’t nakakaistress din. Ang mga nabanggit, bagamat nakalulungkot, ay hindi dapat payagang humantong sa pagkawala ng pagpapahalaga sa sarili at ng gana upang makisalamuha sa mga tao o pumasok sa paaralan.

Iniinda, maging ng mga kabataan, ang (8) kabiguan. Ang pagkabigo na maabot ang mga layunin o maisagawa ang mga plano ay nakaka-stress din. Dapat na laging ibuhos ang buong makakaya. Kung sa kabila nito ay mabigo pa rin, huwag malulungkot, bagkus ay ituring itong hamon na lalo pang pagbutihin sa susunod na pagkakataon.

BILIN SA ESTUDYANTE:

  1. Sa comment section sa ibaba ng artikulo: (a) isulat ang pagkaunawa mo sa terminong stress, (b) bumanggit ng isang pinagmumulan nito, (c) ipaliwanag kung paano ito makaapekto sa iyo, at (d) sabihin kung paano mo ito mapagtatagumpayan. Gumamit ng hashtag na: #BuhayTinedyer #PayuhanPoAko

  2. Mag-imbita ng tatlong kaibigan o kamag-anak (mga propesyonal) upang magsulat ng payo sa iyo kung paano mo dapat harapin ang mga stress bilang tinedyer. I-print ang inyong naka-post na sagutan at ipasa sa guro.

  3. I-share ang webpage na ito sa iyong social media account (FB, IG, Twitter, etc) gamit ang #PerDev #StressBaKamo?