AlaminNatin.com

Mga Hinaharap na Hamon Kaakibat ng Pagiging Tinedyer

Wed Jun 26 2019 - admin

Pansariling Kaunlaran Kasanayang Pampagkatuto 4.1.

Natatalakay ang mga hinaharap na hamon sa panahon ng pagdadalaga/pagbibinata upang mabigyang linaw at mapamahalaan ang mga pangyayaring kaakibat ng pagiging tinedyer.

Narito ang mga pagbabagong nagaganap sa panahon ng kalagitnaan at huling bahagi ng pagdadalaga/pagbibinata at ang mga kaakibat na mga hamong hinaharap ng mga tinedyer:

Pisikal

Sa aspetong pisikal, ang pangunahing inaalala ng mga tinedyer sa mga yugtong ito ay ang kanilang pisikal na anyo at ang pagiging kaakit-akit sa iba, lalo na sa kaibayong kasarian. Ang hamon kung gayon ay kung paano magkaroon ng anyong presentable sa iba. Makatutulong na panatilihin ang kalinisan sa katawan, ang maayos na pananamit, at ang tamang timbang.

Pagkakakilanlan o Konsepto sa sarili

Ukol dito, ang hamon ay huwag magkaroon ng mababang pagpapahalaga sa sarili (low self-esteem) at hindi maunlad na konsepto sa sarili (poor self-concept). Makatutulong na huwag masyadong mataas ang asahan sa sarili.

Emosyonal na Pag-uugali

Ang hamon sa pagdaan sa mga yugtong ito ay maiwasan na maging mapaghimagsik at tila nagrebelde laban sa mga polisiya at mga tuntuning ipinatutupad ng mga institusyon. Makatutulong na bantayan ang sarili mula sa kawalang-galang at bastos na pagsasalita at ang pagsagot-sagot sa mga magulang o nakatatanda. Huwag ding sanayin ang sarili sa paggamit ng masasamang pananalita gaya ng pagmumura.

Panlipunang Saloobin

Walang masama na sa yugtong ito ay naghahangad ang mga tinedyer ng kalayaan upang magpasiya, kumilos, at magpahayag ng kanilang sarili. Ang hamon nga lamang ay ang maging responsable at disiplinado sa paggagalugad at pagnanais na maranasan ang iba't ibang mga bagay. Makatutulong na laging isipin na kadalasan ay na sa huli ay magsisisi kung susubukan ang masasamang bagay tulad ng alak, bawal na gamot, hindi napapanahong pakikipagtalik (premarital sex), at iba pang mga bisyo at kalayawan.

Relasyon sa mga Kaibigan o Kasama

Ang hamon ay huwag payagang ang malakas na impluwensiya ng barkada ay humahantong sa mga ito sa peligrosong mga pag-uugali gaya paninigarilyo, paglalasing, pakikipagtalik, pagdudroga, at pagiging gumon sa computer games). Makatutulong na huwag maging sunud-sunuran sa gusto at gawi ng mga kabarkada.

Relasyong Pampamilya

Isang hamon sa mga kabataan na ang posibilidad na magkaroon sila ng mapaghimagsik na pag-uugali ay pigilang humantong sa paggawa ng pawang kabaligtaran ng nais ng mga magulang. Makatutulong na isaisip na nangangailangan pa rin sila ng pag-ibig at paggabay ng kanilang mga magulang.

Dapat mapagtanto na ang kanilang mga magulang ay ang kanilang pinakamatalik na kaibigan.

Romantikong Relasyon

Isang hamon na lubusang maunawaan na ang pag-ibig, katapatan, pangangako (commitment), maturity, at kakayahang pangkabuhayan ay mahalaga sa isang matagumpay na relasyon. Makatutulong na tandaan na ang maagang romantikong relasyon ay pangkaraniwan na maikli lamang, kung kaya’t dapat iwasang gumawa ng mga bagay na pagsisisihan sa huli, gaya ng maaaring magbunga ng teenage pregnancy.

Relasyong Sekswal

Bagaman ang karamihan ay nakatuon sa heterosexuality, ang ilan ay maaaring maging mausisa tungkol sa iba pang sekswal na oryentasyon tulad ng homosexuality, bisexuality, at iba pa.

Ang hamon, kung gayon, ay ang pagkakaroon ng malinaw na sekswal na oryentasyon na isinasa-alang alang ang maraming salik gaya ng damdamin, maging ang pamilya at pananampalataya. Makatutulong na laliman pa ang pagkaunawa sa sekswalidad, maging mas mapag-isip, at matalino sa mga desisyong sekswal.

Paggawa ng Desisyon/Kalayaan

Ang hamon ay ang pumili ng mga responsableng mga opsyon at iwasan ang madala ng silakbo ng damdamin at ang paggawa ng anomang karahasan.

Makatutulong na magsanay gumawa ng mga independiyente subalit responsableng desisyon at pagtutunan ang pakikipagkompromiso kung kinakailangan.

Kognitibong Pag-unlad

Kabilang sa hamon sa aspetong ito ang pagkakaroon ng kakayahang tumugon sa mas mabibigat na hinahanap ng paaralan (kung nag-aaral), mabisang pangangatwiran, mag-isip ng mapanimdim (reflectively), at magplano para sa hinaharap.

Makatutulong na magsanay ng matalinong paglutas ng mga problema, pag-uugnay ng iba't ibang mga ideya, at pag-unawa sa mga kumplikadong isyu.

Moralidad at Pagpapahalaga

Ang hamon ay ang pagkakaroon ng kakayahan ukol sa pangangatwirang moral, katapatan, at panlipunang saloobin tulad ng pagtulong, altruismo, volunteerism, at pag-aaruga sa iba.

Makatutulong na maging idealistic, puno ng paninindigan, at maging matapat o conscientious.

Mga Layunin sa Buhay

Ang hamon ay ang isipin at paghandaan ang kinabukasan. Makatutulong na iwasan ang pakikilahok sa mga peligrosong gawain

Dapat palakasin ang konsepto ukol sa sanhi at epekto, na naiintindihan halimbawa ang kaugnayan ng pagmamaneho nang nakainom samga aksidente, at ng pakikipagtalik sa pagbubuntis o pagkakaroon ng STD (sexually transmitted disease).

BILIN SA ESTUDYANTE:

  1. Sa comment section sa ibaba ng artikulo, banggitin ang mga hamon na sa tingin mo ay mahihirapan kang ipasa? Isulat ang mga hakbang na gagawin mo para makalampas sa mga hamong iyon? Gumamit ng hashtag na: #HamonSaKabataan #AssignmentLangPo

  2. Mag-imbita ng tatlong kaibigan o kamag-anak (huwag kamag-aral) upang magsulat ng payo o reply sa naka-post mong komento. I-print ang inyong naka-post na sagutan at ipasa sa guro.

  3. I-share ang webpage na ito sa iyong social media account (FB, IG, Twitter, etc) gamit ang #PerDev #MayGanitoKayo?