Pansariling Kaunlaran (Personal Development)
Kasanayang Pampagkatuto 3.1.
Natutukoy ang iba’t ibang inaasahang gawain (developmental task) ayon sa antas ng pag-unlad
ANG DEVELOPMENTAL TASKS O GAWAING PAMPAG-UNLAD ay tumutukoy sa mga angkop at inaasahang kasanayan at kilos ng isang tao sa partikular na yugto ng kaniyang buhay. Upang lubos mong maunawaan ang iyong developmental tasks o gawaing pampag-unlad bilang adolescent, mahalagang matutunan mo ang teorya ni Erik Erikson ukol dito.
Hinango ng sikologo (psychologist) na si Erik Erikson (1902-1994) ang kanyang walong antas o yugto ng sikososyal na pag-unlad (psychosocial development) mula sa psychosexual theory ni Sigmund Freud. Binigyang-diin ni Erikson na ang sarili o kaakuhan (ego) ay gumagawa ng mga positibong kontribusyon sa personal na pag-unlad sa pamamagitan ng pag-unawa at pagtataglay ng ilang mga saloobin, ideya, at kakayahan sa bawat antas ng pag-unlad. Ang mga kasanayang ito ay tumutulong sa mga indibidwal na maging matagumpay at nakapag-aambag sa lipunan.
Ayon sa psychosocial theory, nakakaranas ang tao ng walong (8) antas ng pag-unlad sa kaniyang buong buhay, mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda. Sa bawat isa sa walong antas, mayroong isang sikolohikal na salungatan (psychological conflict) na dapat na matagumpay na malagpasan upang umunlad ang personalidad at maging isang maayos na adult. Ang matagumpay na pagkumpleto ng bawat gawaing pampag-unlad (developmental task) ay nagreresulta sa isang pakiramdam ng kakayahan (sense of competence) at isang malusog na personalidad. Sa kabilang dako, ang kabiguang makabisado ang mga gawaing pampag-unlad na ito ay humahantong sa mga damdamin ng kakulangan (feelings of inadequacy).
1. Infancy: Trust vs. Mistrust
Mula sa kapanganakan hanggang 12 buwan (sinasabi ng ibang reperensiya na hanggang 18 buwan), dapat matutunan ng mga sanggol na ang mga may sapat na gulang, gaya ng mga magulang o tagapag-alaga, ay mapagkakatiwalaan.
Ito ay nangyayari kapag natutugunan ng mga matatanda ang mga pangunahing pangangailangan ng bata para sa kaniyang kaligtasan. Ang sanggol ay nakadepende sa kaniyang mga tagapag-alaga, kaya ang mga tagapag-alaga na tumutugon at sensitibo sa mga pangangailangan ng bata ay nakatutulong sa sanggol na magkaroon ng tiwala.
Sa kabilang dako, ang mga tagapag-alaga na hindi nakakatugon sa mga pangangailangan ng kanilang sanggol ay maaaring makapagdulot sa bata ng pagkabalisa, takot, at kawalan ng tiwala. Lalo na kung ang mga tagapag-alaga ay may kalupitan, malamang na lumaki ang bata na hindi nagtitiwala sa mga tao sa mundo.
2. Early Childhood: Autonomy vs. Shame/Doubt
Bilang toddler (edad 1-3 taon) na nagsisimulang galugarin ang kaniyang mundo, nagpapasimula ang bata na matutunan na maaari niyang kontrolin ang ilan sa kaniyang mga pagkilos sa kaniyang kapaligiran at makakamit niya ang ilan sa kaniyang mga nais. Nagsisimula siyang magpakita ng interes sa ilang mga elemento ng kapaligiran, tulad ng pagkain, mga laruan, at damit.
Upang magtaglay ng awtonomiya sa halip na hiya o at pagdududa, dapat siyang makapagtatag ng pakiramdam ng kalayaan (sense of independence). Ito ang yugto na tila ba sinasabi niyang “Ako ang gagawa nito.” Halimbawa, maaari nating maobserbahan ang isang 2-taong-gulang na bata na gustong siya ang pumili ng kanyang damit at siya mismo magsusuot nito sa kaniyang sarili. Kahit na ang isinuot niya ay maaaring hindi angkop para sa sitwasyon, ang kanyang naging pagdedesisyon ay may epekto sa kanyang pakiramdam ng kalayaan. Kung laging ipagkakait sa kaniya ang pagkakataong magpasya at gumawa, maaari siyang magsimulang magduda sa kanyang kakayahan, na maaaring humantong sa mababang pagpapahalaga sa sarili at pagiging mahiyain.
3. Late Childhood: Initiative vs. Guilt
Kapag ang bata ay umabot sa yugto ng preschool (edad 3-6 na taon), siya ay nagkakaroon ng kakayahang magpasimula ng mga aktibidad at kumontrol sa kaniyang mundo sa pamamagitan ng mga sosyal na pakikipag-ugnayan at paglalaro. Ayon kay Erikson, dapat na matutunan ng bata sa antas na ito ang pagkakaroon ng inisyatibo.
Matataglay ng bata ang inisyatibo kung matututunan niyang magplano at makamit ang kaniyang mga layunin habang nakikisalamuha sa iba. Ang inisyatibo, pagkakaroon ng ambisyon, at pagiging responsable ay nagaganap kapag pinapayagan ng mga magulang ang bata na tuklasin ang kaniyang mga limitasyon at kapag sinusuportahan nila ang kaniyang pagpili. Sa pamamagitan nito, ang bata ay makabubuo ng tiwala sa sarili at ng sense of purpose sa buhay. Ang mga hindi nagtagumpay sa yugtong ito dahil na rin sa sobrang pagkontrol ng magulang ay maaaring magkaroon ng guilt feeling.
4. School Age: Industry vs. Inferiority
Sa panahon ng elementarya (edad 6-12), sinisimulang ihambing ng bata ang kaniyang sarili sa kaniyang mga kasamahan o kamag-aral upang makita kung nakasasabay siya sa kanila sa pag-unlad.
Maaaring magkaroon siya ng sense of pride and accomplishment sa kaniyang mga gawain sa paaralan, palakasan, mga gawaing panlipunan, at buhay sa pamilya. Sa kabilang banda, maaari niyang madama na siya ay mas mababa o mahina at may kakulangan kapag nakikita niya na parang hindi siya nakakasabay sa pag-unlad ng kaniyang mga ka-edad. Kapag hindi natutunan ng bata na makisalamuha sa iba o kung magkakaroon siya ng mga negatibong karanasan sa bahay o sa paaralan, posibleng magkaroon siya ng inferiority complex sa kaniyang pagtanda.
5. Adolescence: Identity vs. Role Confusion
Sa pagbibinata o pagdadalaga (edad 12-18), ang pangunahing gawaing pampag-unlad ng isang kabataan, ayon kay Erikson, ay ang pagbuo ng isang sense of self. Sa antas na ito, ang isang kabataan ay nakikipagpunyagi sa mga tanong tulad ng “Sino ako?” at “Ano ang gusto kong gawin sa aking buhay?”
Ang karamihan ng mga kabataan sa yugtong ito ay sumusubok ng maraming iba't ibang mga gampanin (role) upang makita kung alin ang angkop sa kanila; sinasaliksik ang iba't ibang mga tungkulin at mga ideya; nagtatakda ng mga layunin (goal); at nagtatangkang tuklasin ang kanilang adult selves. Ang mga kabataan na matagumpay sa yugtong ito ay may matibay na pakiramdam ng pagkakakilanlan (sense of identity) at makapananatiling tapat sa kanilang mga paniniwala at pagpapahalaga (values) sa harap ng mga problema at mga ibang pananaw ng mga tao.
Sa kabilang dako, kapag ang kabataan ay walang pakialam, hindi sadyang tumutuklas o lumilikha ng kaniyang pagkakakilanlan (identity), o sunud-sunuran lang sa lahat ng mga ideya ng kaniyang mga magulang ukol sa kaniyang hinaharap, maaaring magkaroon siya ng mahinang sense of self at role confusion. Kapag ito ay nangyari, hindi siya sigurado sa kaniyang sariling pagkakakilanlan at nalilito tungkol sa kaniyang hinaharap.
6. Young Adulthood: Intimacy vs. Isolation
Ang tao sa unang bahagi ng adulthood (edad 20 hanggang 25; sa ibang reperensiya ay edad 20 hanggang 40) ay handa nang ibahagi ang kaniyang buhay sa iba. Ito ay nagaganap matapos na siya ay magkaroon ng sense of self sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga.
Gayunpaman, kung ang mga salungatan (conflicts) sa ibang mga naunang antas ay hindi pa matagumpay na nalutas, ang isang young adult ay maaaring magkaroon ng problema sa pagbuo at pagpapanatili ng matagumpay na relasyon sa iba. Ayon kay Erikson, dapat munang magkaroon ng matibay na sense of self upang makabuo ng matagumpay na intimate relationship. Ang mga matatanda na hindi nagkaroon ng positibong konsepto sa sarili sa pagbibinata o pagdadalaga ay maaaring makaranas ng kalungkutan at emosyonal na pag-iisa (emotional isolation).
7. Adulthood: Generativity vs. Stagnation
Ang pangunahing gawaing pampag-unlad ng isang tao sa adulthood (edad 25 hanggang 65) ay ang generativity. Kabilang sa tinatawag na generativity ang paghahanap ng nais na trabaho, gampanin, o gawain, pagbibigay ng kontribusyon sa kapakanan ng iba sa pamamagitan ng mga aktibidad tulad ng pagkukusang-loob (volunteering), pagtuturo (mentoring), at pagpapalaki ng mga bata.
Sa antas na ito, ang mga may edad na nasa hustong gulang ay nagsisimulang mag-ambag sa susunod na henerasyon, madalas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng anak at pag-aalaga sa iba. Sila rin ay nakikibahagi sa mga makabuluhan at produktibong gawain na nakapagpapabuti sa komunidad o lipunan.
Kapag ang tao ay umabot sa kaniyang 40, pumasok na siya sa panahon na kilala bilang middle adulthood, na humahangga sa bandang edad 65. Sa yugtong ito, kapag hindi pa rin nakabisado ng tao ang mga nakatakdang gawaing pampag-unlad sa adulthood, maaaring makaranas siya ng istagnasyon o pagwawalang-kilos at ng pakiramdam na parang hindi siya nag-iiwan ng isang makabuluhang marka o legacy sa mundo. Siya ay maaaring magkaroon ng kaunti lamang na koneksyon sa iba at ng maliit na interes sa pagiging produktibo at pagpapabuti sa kaniyang sarili.
8. Late Adulthood: Integrity vs. Despair
Mula edad 65 hanggang sa katapusan ng buhay, ang tao ay nasa panahon ng pag-unlad na kilala bilang late adulthood (tinatawag ng iba na maturity). Ayon kay Erikson, ang pangunahing gawaing pampag-unlad ng isang tao sa yugtong ito ay ang pagkakaroon ng tinatawag na integridad upang maiwasan ang kawalan ng pag-asa.
Sinasabing sinasalamin ng tao na nasa late adulthood ang kaniyang buhay at nakadarama ng alinman sa dalawa: ang isang pakiramdam ng kasiyahan o isang pakiramdam ng kabiguan. Ang taong nasiyahan at naging proud sa kaniyang mga nagawa ay nakadarama ng integridad, at maaaring mayroon lamang kaunting mga pagsisisi.
Gayunpaman, ang taong hindi matagumpay sa antas na ito ay maaaring makadama na ang kaniyang buhay ay nasayang lamang. Dahil sa mga panghihinayang, haharap siya sa pagtatapos ng kaniyang buhay na may damdamin ng kapaitan, depresyon, at kawalan ng pag-asa.
-
Sa comment section sa ibaba ng artikulo, isulat ang mga inaasahang gawain mula sa iyo bilang tinedyer (isa sa bawat antas). Gumamit ng hashtag na: #DevelopmentalTask #ErikErikson
-
I-print ang iyong naka-post na komento at ipasa sa guro.
BILIN SA ESTUDYANTE:
-
Sa comment section sa ibaba ng artikulo, isulat ang mga inaasahang gawain mula sa iyo bilang tinedyer (isa sa bawat antas). Gumamit ng hashtag na: #DevelopmentalTask #ErikErikson
-
I-print ang iyong naka-post na komento at ipasa sa guro.
-
I-share ang webpage na ito sa iyong Social Media account (FB, Twitter, IG, etc), gamit ang hashtag na: #ErikErikson #AssignmentLangPo