Pansariling Kaunlaran (Personal Development)
Kasanayang Pampagkatuto 2.1.
Natatalakay ang kaugnayan ng pisyolohikal, kognitibo, sikolohikal, ispiritwal at panlipunang pag-unlad tungo sa pag-unawa ng kanyang iniisip, nadarama at kinikilos_
Ang Mga Aspeto ng Pag-unlad sa Buong Katauhan
Ang pag-unlad sa larangang pisyolohikal, kognitibo, sikolohikal, ispiritwal, at panlipunan na nararanasan ng isang tao, lalo na sa pagbibinata o pagdadalaga, ay magkakaugnay at pangkaraniwang nagaganap nang mabilis sa mga tao na nasa yugtong adolescence. Mahalagang maunawaan mo ito upang iyo ring maintindihan ang iyong mga iniisip, nadarama, at kinikilos bilang isang tinedyer.
Narito ang mga aspeto ng pag-unlad sa buong katauhan ng isang tao:
1. Pisyolohikal na Pag-unlad
Ang pisyolohikal na pag-unlad ay karaniwang tumutukoy sa pisikal na pag-unlad ng isang tao. Ang isang tao ay likas na nakakaranas ng iba't ibang pagbabago sa kaniyang katawang pisikal sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga.
Sa yugtong adolescence, nagiging mabilis ang iyong pagtangkad, ang paglaki ng iyong katawan, at ang paglago ng buhok at paglaki ng kalamnan sa ilang bahagi ng iyong katawan. Sa panahong ito ay tila pilit na inaabot ng iyong katawan ang iyong sukdulang taas at ang ganap na laki, hugis, at komposisyon ng iyong katawan. Kaugnay nito ay nagiging mas mababa ang iyong tinig, kung ikaw ay isang lalake, at tila nagkakahugis naman ang iyong katawan, kung ikaw ay isang babae. Ang mga pagbabago ay naghahanda sa mga katulad mo na magkaroon ng kakayahang pisikal para sa bayolohikal na reproduksiyon.
Hindi rin kataka-taka na mapansing nagkakaroon ka ng taghiyawat (pimples at acne) bilang adolescent. Dahil sa iba’t ibang pagbabagong pisyolohikal, ikaw ay maaaring maging masyadong mapagmasid sa iyong sarili (self-conscious), nahihiya, sensitibo, at makadama ng pagiging hindi komportable. Apektado, kung gayon, ng pisyolohikal na pag-unlad ang sikolohikal at sosyal (panlipunang) aspeto ng isang indibidwal.
2. Kognitibong Pag-unlad
Ito ay tungkol sa tserebral, mental, o intelektwal na pag-unlad ng isang tao. Sa yugtong adolescence, ang utak ay patuloy na umuunlad sa paraang nadaragdagan ito ng kapasidad na magkabisa o magmemorya at magsagawa ng mas kumplikadong mga proseso gaya ng pag-oorganisa ng mga impormasyon at pag-aalaala sa mga ito.
Sa yugtong ito ay nagkakaroon ka ng malaking pagsulong sa mga kasanayan sa pag-iisip. Nakakayanan mo nang iproseso ang mga abstraktong kaisipan (abstract concepts) at mga ideyang panteorya. Nagkakaroon ka na rin ng kakayanang suriin nang lohikal at sistematiko ang mga problemang iyong nasasagupa. Nabubuo kung ganun ang iyong tiwala sa sarili na may epekto rin sa iyong panlipunang aspeto o sa iyong pakikisalamuha sa iba.
Ang kognitibong pag-unlad ay nangyayari kasabay ng sosyal (panlipunan), emosyonal, at moral na pag-unlad. Gayunpaman, sa yugtong ito, ang pangharap na umbok ng utak (frontal lobe) ng tao na nagbibigay kakayahang kontrolin ang mga sekswal at emosyonal na impulses ay hindi pa ganap na buo. Ito ang dahilan kung kaya’t mayroon kang patuloy na pakikibaka sa pagsupil sa iyong mga impulse at urge. Ito ang isa sa mga dahilan kung kaya’t ang mga adolescents gaya mo ay natuturingang mapupusok. Nangangailangan, kung gayon, na ikaw bilang nagbibinata o nagdadalaga ay lalong maging maingat at mapagpigil.
3. Sikolohikal na Pag-unlad
Bahagi ng tinatawag na sikolohikal na pag-unlad ang mga pagbabago sa mga emosyon, damdamin, kalooban, at paraan ng pag-iisip ng mga indibidwal. Sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, nagpapasimulang magkaroon ka ng matibay na mga paniniwala, mga pagpapahalaga, at mga layunin sa buhay. Ito ay sapagkat ang mga nasa yugtong ito, gaya mo, ay dumaranas ng pagsusuri sa sarili na humahantong sa pagtatakda ng pangmatagalang tunguhin o layunin, kalayaang emosyonal at panlipunan, at sa tinatawag na kahustuhan o matyuridad.
Malaki kung gayon ang epekto ng sikolohikal na pag-unlad sa iba pang aspeto ng pagkatao. Nagdudulot ito ng pagbabago sa pagtingin at pakiramdam mo bilang adolescent ukol sa iyong sarili, sa ibang mga tao, at sa iyong kapaligiran.
Sa unang bahagi ng pagbibinata at pagdadalaga, nakabubuo ka ng sariling-imahe (self-image) kaugnay ng mga pagbabago sa iyong katawan at pag-iisip?nagkakaroon ka ng kamalayan at pagtanggap sa mga pisyolohikal at kognitibong pag-unlad na nagaganap sa iyo. Sa kalagitnaang bahagi ng adolescence, nagiging mas malaya ka na lalo na sa paraan ng pag-iisip at nararamdaman. Sa maraming bagay ay hindi ka na nakadepende sa iyong mga magulang o tagapag-alaga. Kung gayon, hindi kataka-taka na mayroong mga salungatan sa pagitan ng ng iyong mga interes at pinahahalagahan at ng inaasahan naman sa iyo ng iyong mga magulang o tagapag-alaga.
Sa yugtong ito din, nagsisimula kang magpasya para sa iyong sarili ukol halimbawa sa iyong edukasyon (sa nais kuhaning kurso, halimbawa) at sa propesyonal o bokasyonal mong mga hangarin. Sa isang banda, ikaw ay natututong maging reponsable at nag-iisip kung paano makatutulong sa komunidad. Subalit ang mga kabataan, gaya mo, ay nagiging mahilig rin sa mga pakikipagsapalaran at nagsisimulang mag-eksperimento sa iba't ibang mga bagay at mga gawi tulad ng pagsasagawa ng mga hindi pangkaraniwan at peligrosong mga gawain. Sa yugtong ito, kailangan kung gayon ang paggabay sa iyo ng mga mas nakatatanda. Dapat ding maliwanag sa iyo bilang tinedyer na dapat mong kontrolin o disiplinahin ang iyong sarili upang hindi masira ang iyong kinabukasan.
Sa huling bahagi ng pagbibinata o pagdadalaga, hindi nakagugulat na magpakita ka ng pag-aalala sa iba sa pamamagitan ng pagbibigay at pagmamalasakit sa kanila, taliwas sa mga makasarili mong kilos at kawalan ng kakayahang tiisin ang pagkaantala ng pagtanggap mo ng kasiyahan sa panahon ng iyong pagkabata. Sa pagtatapos ng huling bahagi ng adolescence, tila nagiging psychologically matured ka na. Tila nauunawaan mo na rin ang iyong gampanin sa iyong komunidad, nakapagtatatag ka ng makatotohanang mga layunin sa buhay, at nagpapasimula ka sa pagsisikap na makamit ang mga ito. Sa madaling salita, nagkakaroon ka ng mas matibay na sense of identity.
4. Espirituwal na Pag-unlad
Sinasabing lalong gumaganda ang sosyal o panlipunang relasyon ng isang tao at ang pagtingin niya sa kaniyang sarili habang umuunlad ang kaniyang aspetong espirituwal. Ang espirituwal na pag-unlad ng isang adolescent ay may kinalaman sa kaniyang pagkilala at kaugnayan sa Diyos o anumang bagay na espirituwal. May kognitibo at sikolohiyang epekto sa isang tao na lubos niyang maunawaan halimbawa na siya ay espesyal sa mga nilalang ng Manlilikha. Ito ay nakapagdadagdag ng tiwala sa isang indibidwal.
Sa yugtong adolescence, sinasabi na ang mga kabataan ay nagsisimulang magkaroon ng interes sa mga bagay na espirituwal. Hindi kataka-taka kung gayon na ikaw ay magpasimulang magnilay-nilay sa mga paksa gaya ng ukol sa Dios, pag-iral, kasiyangaan o kakanyahan (essence), kabanalan at relihiyon. Mararamdaman mo ang pagnanais na magkaroon ng personal na relasyon sa Maylalang at ang ilan ay magiging interesado pa sa pagtahak sa mga sagradong bokasyon gaya ng pagpasok sa institusyong kleriko (pagpapari, pagmiministro, pagpapastor o pagmamadre)
Bahagi ng iyong espirituwal na pag-unlad, maitatanong mo at susubukang sagutin ang mga eksistensiyang tanong tulad ng “Sino ako?”, “Bakit ako narito?”, “Ano ang nagdala sa akin dito?”, “Ano ang nangyayari pagkatapos ng kamatayan?”, “Ano ang aking misyon?”, at “Ano ang kahulugan ng buhay?” Mula sa relihiyon at mga Banal na Kasulatan ay magpapasimulang maghanap ang ilang mga tinedyer ng mga sagot sa mga tanong na may kaugnayan sa mga konsepto ukol sa eksistensiya, buhay at kamatayan, mga pagsubok sa buhay, pagdurusa, kalungkutan, kabiguan, at paghihirap.
5. Panlipunang Pag-unlad
Sa panahon ng kalagitnaang bahagi ng pagbibinata o pagdadalaga, umiigting ang paghahangad ng mga kabataan na magkaroon ng kalayaan mula sa kani-kaniyang magulang. Kaya ikaw, bilang nasa yugtong ito, ay maaaring mas umaasa ngayon sa iyong mga kaibigan o kabarkada kaysa iyong ama at ina o tagapag-alaga. Gayunpaman, dahil sa ang iyong mga ka-edad ay tila nagiging mas mahalaga sa iyo kaysa iyong pamilya, matindi ang dating sa iyo ng peer pressure dahil na rin sa inaasahan na ikaw ay susunod sa pamantayan ng iyong mga kabarkada. Dapat mong maunawaan na ang peer pressure ay isang uri ng sikolohikal na panggigipit kung kaya’t hindi ka rin tunay na malaya kung ikaw ay sunud-sunuran rito.
Inaasahan na muling magkakaroon ng magandang relasyon sa pamilya ang tinedyer sa huling bahagi ng adolescence. Sa pagsapit mo sa yugtong ito, magpapasimula ka na ring makabuo ng mga makabuluhang kaugnayan sa ibang mga tao at mga kakilala. Kung ang relasyong romantiko sa unang bahagi ng pagbibinata o pagdadalaga ay maikli at panandalian lamang, ito ay pangkaraniwang nagiging mas matagal at mas matatag sa huling bahagi ng adolescence. Ang panlipunang pag-unlad ay tumutukoy, kung gayon, sa mga pagbabago sa paraan ng pakikipag-ugnayan o pakikisalamuha sa ibang mga tao sa isang partikular na yunit ng lipunan.
Ang mga tinalakay na pisyolohikal, kognitibo, sikolohikal, ispiritwal, at panlipunan na pag-unlad na nagaganap sa tao ay tumutugma sa iba't ibang aspeto ng tinatawag na holistikong pag-unlad (holistic development). Mapapansin na sila ay may kaugnayan sa isa't isa at totoong nakakaapekto sa bawat isa patungo sa kabuuang pagyabong o paglago ng pagkato ng isang nagbibinata o nagdadalaga. (c2019 AlaminNatin.com)
BILIN SA ESTUDYANTE:
-
Sa comment section sa ibaba ng artikulo, isulat ang naisip mong paraan o payo upang mapabuti ang iba’t ibang aspeto ng pag-unlad sa buong katauhan o holistic development (isa sa bawat aspeto). Gumamit ng hashtag na: #PerDev #[PangalanNgPaaralan]
-
I-print ang iyong naka-post na komento at ipasa sa guro.
-
I-share ang webpage na ito sa iyong Social Media account (FB, Twitter, IG, etc), gamit ang hashtag na: #PerDev #AssignmentLangPo