AlaminNatin.com

Mga Papel at Impluwensiya ng Bawat Indibidwal sa Lipunan

Mon Sep 02 2019 - admin

Ang Iba’t Ibang Papel ng Bawat Indibidwal sa Lipunan

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga papel at tungkulin na taglay ng ilang mga miyembro ng lipunan. Kaugnay ng mga ito ang ukol sa kung paano nila naiimpluwensiyahan ang mga tao batay sa kanilang pamumuno o pagsunod.

  1. Mga Pinunong Pampulitika

Sa maraming demokratikong bansa gaya ng Pilipinas, mayroong tatlong sangay ng pamahalaan: ang (a) lehislatibo, (b) ehekutibo, at (c) hudikatura. Ang mga pinunong pampulitika sa lehislaturang sangay ng gobyerno ang lumilikha ng mga batas o ordenansa. Ang mga nasa ehekutibo naman ang nagpapatupad ng mga batas, samantalang ang mga nasa hudikatura ang nagpapaliwanag ng mga batas.

Sa ehekutibong sangay, ang pangulo ng bansa ang pinakamataas na pinunong pampulitika. Gumaganap din siya bilang commander-in-chief, pinuno ng estado, at pangunahing diplomat. Siya ang responsable para sa kapakanan ng buong bansa at sa pagtiyak na ang lahat ng mga batas ay maayos at matapat na naipapatupad at nasusunod.

Kabilang sa mga pinunong pampulitika ang mga konsehal at ang punong bayan o siyudad (mayor), at maging ang kapitan at mga kagawad ng barangay. Ang mga pulis naman ay binibigyan ng batas ng karapatan na ipatupad ang batas ng bansa. Ang pamumuno ng mga lider pampulitika, maging ng mga nasa pulisya at kaugnay na ahensiya, ay nakakaimpluwensya sa mga tao na igalang at sumunod sa mga nilikha at umiiral na batas. Naiimpluwensiyahan nila ang mga tao na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan ng komunidad.

  1. Mga guro

Ang mga guro ay nagtuturo o nagsasalin ng mga kaalaman at kapaki-pakinabang na impormasyon. Gumaganap sila bilang tagapagturo, lider, tagapayo, at tagapagpasimula ng pagbabago.

May malaking impluwensya ang mga guro sa lipunan, lalo na sa mga mag-aaral. Sila ay inaasahang magiging mga role model sa moralidad, kabaitan, at pagiging mabubuting mamamayan ng isang bansa.

  1. Mga Lider at mga Miyembro ng Relihiyon

Pinamumunuan ng mga lider ng relihiyon ang kani-kanilang mga miyembro o tagasunod sa pagsasagawa ng mga ritwal at mga seremonya sa kani-kanilang pangkating pangrelihiyon. Pinananatili nila ang mga tradisyon ng kanilang pananampalataya, nagsisilbing guro at pinunong pangmoral, at nagsisilbing espirituwal na gabay.

Ang mga lider ng relihiyon ay maaaring maging napakamaimpluwensiya sa buhay ng kanilang mga miyembro. Sila ay karaniwang itinuturing na kinatawan ng Diyos at sa gayon ay kadalasang nakatatanggap ng mataas na paggalang, pagpipitagan, at pagsunod mula sa mga naniniwala sa kanila.

Ang mga miyembro ng relihiyon ay inaasahang isasabuhay ang kanilang mga aral at simulain at ipapalaganap ang kanilang pananampalataya sa pangunguna ng kanilang mga lider. Inaasahan na sila ay magpapasakop at susunod sa mga lider ng kanilang relihiyon at maninindigan sa mga doktrina ng kanilang relihiyon. Mahalaga ang kanilang pagiging tagasunod, lalo na sa mga disiplina at kagandahang-asal na ipinatutupad ng relihiyon, dahil maaaring magdulot ito ng mga pagbabago hindi lamang sa kanilang sarili kundi maging sa lipunan.

  1. Mga Magulang at mga Kabataan

Mahalagang papel na ginagampanan ng mga magulang ang subaybayan at gabayan ang kani-kaniyang mga anak lalo na kung ang mga ito ay menor de edad pa lamang. Pananagutan nilang pagkalooban ng pangunahing pangangailangan, papag-aralin, turuan ng moral, kagandahang-asal, at pananampalataya ang mga anak.

Ang mga anak o mga kabataan naman ay may tungkuling panlipunan na lumaking malusog, responsable, at produktibong mga indibidwal. Dapat silang magsilbing huwaran sa mga kapwa nila bata, mga kapatid, at mga kamag-aral. (© by Marissa G. Eugenio/AlaminNatin.com)

BILIN SA ESTUDYANTE:

a. Sa comment section sa ibaba, isulat kung anong papel sa lipunan ang gusto mong gampanan sa hinaharap. Ipaliwanag ang iyong dahilan.

b. Ishare ang webpage na ito sa iyong Social media accounts (Facebook, Twitter, Instagram, etc.) gamit ang hashtag na: #TayoAyMakabuluhan #AngFutureKo.

c. Mag-imbita ng tatlong kakilala (mga nakapagtapos na ng pag-aaral) na magko-comment kung angkop sa iyo o hindi ang napili mong papel sa hinaharap.

d. I-print ang inyong naka-post na usapan. Ipasa sa iyong guro.