Mga Kalamangan at Kahinaan ng ilang Mga Pagpipiliang Karera
Upang magsilbing gabay sa mga tinedyer sa matalinong pagpili ng karera o kursong kukunin, tatalakayin sa lekturang ito ang ilang mga kalamangan at kahinaan ng ilang mga kurso sa kolehiyo. Ang mga impormasyong ito ay magagamit ng mga magulang, guro, at tagapayo sa paggabay at pagpapayo kung ang partikular na kurso ba ay nakaayon o di-nakaayon sa isang kabataan.
- Engineering at Architecture courses
Pangkaraniwang nasa iisang kolehiyo sa mga pamantasan, ang mga kursong Engineering at maging ang Architecture ay may kinalaman sa disenyo at pagtatayo ng mga pribado at pampublikong mga gusali at imprastraktura gaya ng bahay, opisina, paaralan, gusaling sambahan, museo, parke, mga kalsada, dam, pangkontrol ng baha, at mga kauri nito. Ang mga nagtapos sa mga kursong ito, lalo na kung pumasa sa board exam, ay kadalasang tinatanggap ng mga konstruksiyon at estruktural na kumpanya, at mga ahensya ng gobyerno, o kaya’y maaaring magturo sa mga paaralan.
Maaring kumita ng malaking halaga ang mga nagtapos ng Engineering at Architecture courses. Nakakahanap sila ng mga trabaho sa pribado at gobyernong institusyon, maging sa mga malalaking kumpanya sa loob at labas ng bansa. Ang iba ay nakapagtatayo ng sariling construction firm. Sa mga karerang ito, lalo na sa Architecture, maaaring ipakita ng tao ang kanyang pagkamalikhain habang siya ay nagdidisenyo ng mga istruktura.
Ganunpaman, para makatapos sa mga kursong ito, kailangan ang pagiging mahusay sa matematika at pagiging malikhain. Ang pagiging isang magaling na arkitekto ay nangangailangan ng mahabang panahon ng pagsasanay (limang taong bachelor digri at dalawa o tatlong taon ng internship). Ang trabaho ng isang inhinyero at arkitekto ay kadalasan ring hindi madali. Mataas din ang kumpetisyon sa mga karerang ito dahil marami ang naghahangad na sumulong sa mas mataas na posisyon.
- Science and Math Degree Courses
Ang mga kurso na ugnay sa Science at Mathematics ay karaniwang kinukuha sa loob ng apat na taon at karaniwang walang kaakibat na board exam.
Ang mga larangang ito ay sumasaklaw sa maraming mga ispesyalisasyon. Halimbawa, ang mga biology majors (BS Biology) ay maaaring magpatuloy na maging biological technician, microbiologist o molecular biologist. Sa BS Math naman ay may sangay o kaugnay na kurso na Applied Mathematics. Ang mga nagtapos sa BS Biology ay maaaring maging mga biochemist at biophysicist o maaaring magtuloy sa pagkuha ng kursong Medisina. Ang nagtapos naman ng Math-related courses ay maaaring kuning analyst, statistician, o researcher ng mga kumpanya at ang ilan ay nagpapatuloy sa pagkuha ng kursong Law.
Kailangan sa mga kursong ito ang pagiging matiyaga at mataas na interes sa agham at matematika. Kailangan din ng matalas na memorya at determinasyon na magpakadalubhasa sa maraming bagay. Mataas din ang kumpetisyon sa pagpasok sa trabaho para sa mga nagtapos sa kursong ito. Sa ibang bansa ay maaaring mas mataas ang sahod para sa mga karerang ito.
- Humanities, Arts, Social Sciences, at Behavioral Sciences
Ang mga kurso sa mga field na ito ay pangkaraniwang tinatapos sa loob ng apat na taon. Maliban na sa BS Psychology graduate (na ngayon ay may board exam para sa pagiging licensed psychometrician), ang mga nagtapos sa mga kursong ito ay karaniwang walang board exam.
Pinauunlad sa kursong pangkolehiyong ito ang kakayahang kritikal na mag-isip at mag-suri ng mga isyu mula sa iba't ibang mga perspektibo. Nagpapalawak ang mga ito ng pananaw upang maging makatwiran at malikhain. Itinuturing ng marami na magandang ‘pre-law course,’ ang mga kursong ito ay huhubog sa tao upang maging mahusay na mamamahayag at lider (maging ang pagiging mahusay na politiko).
Nangangailangan ang mga ito ng konsentrasyon sa pag-aaral, kakayahan sa analitikong pag-iisip, interes sa mga sining at agham panlipunan, at ng maraming pagsusuri at sentido komun. Sa merkado, kaunti ang demand sa mga nagtapos sa mga kursong ito. Ang mga nagtapos sa mga ito ay karaniwang nagpapatuloy sa pagkuha ng batas, teolohiya, o iba pang mas mataas na kurso sa agham ng tao. Ang ilang mga nagtapos ay karaniwang nagiging propesor sa mga paaralan.
- Information Technology and Computer-related courses
Ang mga kursong ito, lalo na ang digri sa Computer Science, ay kadalasang nagbibigay diin sa matematikal at teoretikal na pundasyon ng pagkakalkula. Ito ang mga kursong kinakailangan upang makapagtrabaho sa sa industriyang may kinalaman sa computing at information technology.
Maraming trabaho sa kasalukuyan at maging sa hinaharap para sa mga tapos sa mga kursong ito. Ang suweldo para sa ‘entry level’ ay karaniwang isa sa pinakamataas sa merkado. Hindi gaanong kailangan sa mga karerang ito ang good social skill dahil mas nangangailangan ang mga ito ng maraming pagproprograma sa computer at hindi ang pakikisalamuha sa mga parokyano.
Nangangailangan nga lamang dito ng mahusay na pag-iisip sa larangan ng lohika at matematika, kasanayan sa paglutas ng problema, at pagkamalikhain. Kailangan ang pokus at tiyaga sapagkat gumugugol ng mahabang oras upang tapusin ang mga proyekto sa mga kursong ito.
- Agriculture, Animal Husbandry, and Related Fields
Nag-aalok ang mga kursong ito ng mga kaalaman at kasanayan sa pagsasaka, paghahalaman, at pangangalaga sa mga hayop.
Angkop ang mga kursong agrikultura sa mga mahilig sa pagtatanim. Sa mga mapagmahal naman sa mga hayop, angkop ang kursong may kinalaman sa animal husbandry gaya ng Veterinary Medicine. Ang mga nagtapos sa mga kursong ito ay maaaring makapasok sa mga tanggapan ng pamahalaan tulad ng Ministry of Agriculture, Bureau of Animal Industries,Agriculture industries at mga Pamantasan, mga sakahan, poultry, mga laboratoryo, mga tanggapan ng pananaliksik, at food industries.
Ang mga nagnanais kumuha ng mga kursong ito ay kailangang may lakas ng loob, may tunay na interes sa pananim at hayop, at handa sa imersiyon sa mga sakahan at makisalamuha sa mga hayop. Maraming hamon ang haharapin sa mga karerang ito.
- Accountancy and Business-related Courses
May kinalaman ang mga ito sa negosyo at pananalapi. Ang kursong Accountancy ay naglalayong ihanda ang estudyante upang maging isang mahusay sa pagsukat, pagproseso, at pag-uulat ng mga impormasyong pinansiyal. Maliban sa Accountancy, sa mga business-related courses ay walang board exam.
Malaki ang potensyal sa pag-unlad sa Accounting dahil sa mataas ang pangangailangan ng mga negosyo at institusyon para sa mga accountant. Ang mga lisensyadong accountant ay karaniwang tumatanggap ng mga matataas na suweldo at magagandang benepisyo. Ang mga tapos naman sa mga business-related course ay maaaring gawing manager sa mga negosyo at ang iba ay nagiging entrepreneur.
Itinuturing nga lamang na mahirap na kurso ang Accountancy at mahirap maging isang sertipikadong Pampublikong Accountant. Kailangan ang konsentrasyon sa pag-aaral, ang husay sa matematika, ang pagiging palaaral, at ang tiyaga. Ang accounting ay maaaring nakakasawa o di nakakawiling trabaho dahil ang gawain ay paulit-ulit, metikuloso, at maaaring mangailangan ng pagtatrabaho sa kompyuter sa matagal na panahon. Sa mga business-related careers naman ay mataas ang kumpetisyon.
- Teacher Education
Ang Teacher Education courses ay pagsasanay upang maging kwalipikadong tagapagturo sa paaralan. Malaki ang utang na loob ng mga propesyonal sa kanilang mga guro. Kung wala ang mga guro, wala ang mga propesyonal sa kanilang kinaroroonan ngayon.
Ang pagtuturo ay isang dakilang propesyon. Laging may pangangailangan sa mga guro sapagkat laging may mga mag-aaral at paaralan. Ang pagtuturo ay nakasisiya sapagkat may kaligayahang dulot ang kaalaman na ikaw ay nakapagbabahagi ng mga kaalaman at kasanayan sa mga mag-aaral. Lalo na sa SPED Education, masarap sa pakiramdam na makatulong sa mga SPED student sa pamamagitan ng paghuhubog sa kanila para na rin mapabuti ang kanilang kondisyon.
Kailangan ang pagiging pasensiyoso o pasensiyosa sa pagiging guro. Bukod sa aktuwal na pagtuturo, may mga gawaing-papel na dapat gawin tulad ng mga ulat ng indibidwal na progreso at mga ulat ukol sa mga antas sa mga mag-aaral. Kailangan din na maging sensitibo at malikhain para sa mga pangangailangan ng mga tinuturuan. (© by Marissa G. Eugenio/AlaminNatin.com)
BILIN SA ESTUDYANTE:
a. Sa comment section sa ibaba, isulat kung anong kurso ang napupusuan mo ngayon at bakit.
b. I-share ang webpage na ito sa iyong Social media accounts (Facebook, Twitter, Instagram, etc.) gamit ang hashtag na: #AngKukuninKongKurso #AngkopBaSaAkin
c. Mag-imbita ng tatlong mentor (hal. mga dating naging guro o tutor) na magko-comment sa iyong post ukol sa kung angkop sa iyo o hindi ang binanggit mong kurso.
d. I-print ang inyong naka-post na usapan. Ipasa sa iyong guro.