Malikhaing Paglalarawan sa Personal na Pag-unlad
Sa paggawa ng malikhaing paglalarawan sa iyong personal o pansariling pag-unlad mula sa mga pinagdaanang pagsuri ng iba’t ibang antas ng pagbabago, impluwensiya at paggawa ng pasya at personal na pagsusuri ng sarili, makatutulong ang malikhaing pagsasalarawan o creative visualization.
Ang creative visualization ay tumutukoy sa pagsasanay kung saan ang pagbabago ng mga saloobin at mga hangarin ay inaasahang makapagdudulot ng panlabas o makatotohanang pagbabago. Nakapaloob dito ang sadyang paggamit ng mga saloobin o imahinasyon ng isang tao upang Makita at makamit ang mga hangarin sa hinaharap, mga pangarap, at mga mithiin sa buhay tulad ng ninanais na karera o mga layunin sa buhay. Ang malikhaing pagsasalarawan ay nangangailangan ng paglalarawan sa diwa ng mga aspirasyon sa pamamagitan ng pagpapagana ng mga pandama.
Sa pagsasagawa ng malikhaing paglalarawan, ituturing mo ang iyong mga pangarap na para bang nakamit mo na ang mga ito. Halimbawa, kung nais mong maging isang ganap na abogado, isalarawan mo ang iyong sarili na pormal na kinikilala bilang nakapasa sa bar exam at ginagawaran ng sertipiko o lisensiya. Naririnig mo, halimbawa, ang palakpakan at paghanga ng mga sumasaksi at nararamdaman mo ang kagalakan ng pagtatagumpay. Ang mga larawang ito sa iyong isipan ay mas mag-uudyok at hihikayat sa iyo na gawin ang mahahalagang hakbang patungo sa iyong pangarap.
Makatutulong ang malikhaing pagsasalarawan upang mabawasan o maalis ang mga balisa, alalahanin, depresyon, at takot sa kaisipan. Ang proseso ay tumutulong sa pagkakaroon ng malinaw na pag-iisip at nagbibigay-daan upang makamit ang tagumpay. Ang isa pang bentahe ng malikhaing paglalarawan ay ang pagdaragdag nito ng tiwala sa sarili.
Ang malikhaing paglalarawan ay may kaugnayan sa pag-asa o positibong pag-iisip. Kapag positibo ang iyong pag-iisip, naaapektuhan nito ang iyong damdamin at pag-uugali upang gumawa ng mga bagay na progresibo. Ang pangunahing prinsipyo ng malikhaing paglalarawan ay ang pagbabago o pag-apekto sa iyong mga iniisip, maaari mong baguhin ang iyong sarili sa kung ano ang gusto mong mangyari dito. (© by Marissa G. Eugenio/AlaminNatin.com)
BILIN SA ESTUDYANTE:
a. Sa comment section sa ibaba, isulat ang iyong creative visualization ukol sa iyong pangarap.
b. I-share ang webpage na ito sa iyong Social media accounts (Facebook, Twitter, Instagram, etc.) gamit ang hashtag na: #AngMagaganap # CreativeVisualization
c. Mag-imbita ng tatlong kaibigan na magko-comment sa iyong post.
d. I-print ang inyong naka-post na usapan. Ipasa sa iyong guro.